Santatlo

Ang Kalasag ng Trinidad o diagramang Scutum Fidei ng tradisyonal na simbolismo ng Kanlurang Kristiyanismo (sa Inglés).

Ang Santisima Trinidad o Trinitarianismo (Ingles: Trinity) ay tinatawag sa Simbahang Katoliko Romano bilang Banal na Santatlo (literal na "pangkat ng tatlo"[1]) ang doktrina na pinaniniwalaan ng ilang mga denominasyon ng Kristiyanismo kabilang ang Simbahang Katoliko Romano, Simbahang Silangang Ortodokso, mga Protestante at iba pa na: may isang Diyos sa tatlong persona na Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo na natatangi sa bawat isa ngunit may isang substansiya, esensiya o kalikasan.[2] Ang kalikasan ay kung ano ang isa samantalang ang persona ay kung sino ang isa.[3][4][5] Ang Trinidad ay itinuturing na isang sagradong misteryo ng pananamapalataya sa ilang mga denominasyong Kristiyano.[6]

Ginamit ni Saint Patrick ang tatlong-dahon na klouber upang ipaliwanag ang Trinidad para ma-convert ang mga Paganismo

Bagaman itinatakwil ng mga ilang Trinitariano gaya ng Simbahang Romano Katoliko[7] ang doktrina ng subordinasyong ontolohikal na kanilang itinuturing na erehiya, kanilang tinatanggap ang subordinasyong ekonomiko o subordinasyong relasyonal. Sa subordinasyong ontolohikal, ang Pagkadiyos ay hindi lamang hindi magkatumbas sa opisina kundi pati sa kanilang esensiya. Kabilang sa mga tagapagtaguyod nito si Origen ng Alehandriya na nagturong si Hesus ay isang ikalawang Diyos at ang Anak ay natatangi sa Ama at may ibang substansiya sa Ama.[8][9] Ayon kay R.P.C. Hanson, "maliban kay Atanasio, ang halos lahat ng mga teologo ng Simbahang Kanluranin at Simbahang Silanganin ay tumanggap sa isang anyo ng subordinasyonismo hanggang noong mga 355 CE. Ang doktrinang subordinasyonismo ay inilalarawan bilang ang tinanggap na ortodoksiya."[10] Sa subordinasyong ekonomiko, ang subordinasyon ng Anak ay nauukol lamang sa paraan ng subsistensiya at operasyon ngunit hindi sa kalikasan. Ito ay nagsasaad na bagaman natatangi sa kanilang mga relasyon sa bawat isa, sila ay isa sa lahat ng iba pa. Para sa Simbahang Katoliko Romano, ang buong akto ng paglikha at biyaya ay isang operasyong karaniwan sa lahat ng tatlong personang Diyos na sa parehong panahon ay gumagawa ayon sa kanilang mga walang katulad na katangian upang lahat ng bagay ay mula sa Ama, sa pamamagitan ng Anak at nasa Banal na Espiritu.[6] Ang tatlong mga persona ay kapwa-magkakatumbas, kapwa-walang hanggan at konsubstansiyal. Taliwas sa paniniwala ng Simbahang Katoliko Romano, ang Simbahang Silangang Ortodokso ay naniniwala sa monarkiya ng Ama na nagsasaad na ang Anak at Banal na Espiritu ay hinango mula sa Ama at ang Ama ang natatanging walang pinagmulan o sanhi. Ayon sa Silangang Ortodokso, ang Ama ay walang hanggan at hindi nalikhang realidad. Si Kristo at Banal na Espiritu ay walang hanggan rin at hindi nalikha sa dahilang ang kanilang pinagmulan ay hindi sa ousia ng Diyos kundi sa hypostasis ng Diyos na tinatawag na Ama. Ayon sa Katekismo ng Silangang Ortodosko, ang pananaw na ito ay minsang maling nauunawaan ng mga Kristiyano ng Simbahang Kanluranin na isang subordinasyonismo ngunit ito ay hindi tamang mailalapat sa katuruan ng Silangang Ortodokso dahil masasabing ang Ama ay nakasalalay sa Anak upang matawag na Ama.[11] Sa Romano Katoliko, ang Banal na Espiritu ay nagmula nang pantay mula sa parehong Ama at Anak.

Ang doktrinang Trinidad o Trinitarianismo ay salungat sa mga paniniwalang hindi Trinitariano ng ibang mga denominasyon ng Kristiyanismo na kinabibilangan ng binitarianismo (isang diyos na may dalawang persona o dalawang diyos), unitarianismo (isang diyos sa isang persona na analogoso sa interpretasyong Hudyo ng Shema at paniniwalang tawhid sa Islam), pentekostalismong pagiging isa (oneness) o modalismo (isang diyos na namamalas sa tatlong magkakahiwalay na aspeto) at panlipunang trinitarianismo (tatlong diyos sa tatlong mga persona). Ang Hudaismo ay tumatakwil sa konsepto ng Trinitarianismo.

  1. "trinity"... "group of three", Hammond Quick & Easy Notebook Reference Atlas & Webster Dictionary, pahina 102, ISBN 0-8437-0922-7
  2. Definition of the Fourth Lateran Council quoted in Catechism of the Catholic Church, 253
  3. "Frank Sheed, Theology and Sanity". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2018-07-30. Nakuha noong 2012-12-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Understanding the Trinity". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2016-01-25. Nakuha noong 2012-12-15.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Baltimore Catechism, No. 1, Lesson 7
  6. 6.0 6.1 "Catechism of the Catholic Church: The Dogma of the Holy Trinity".
  7. http://www.vatican.va/archive/ccc_css/archive/catechism/p1s2.htm
  8. Migne 14:108-110
  9. Prestige xxvii
  10. R.P.C. Hanson 1988. The Search for the Christian Doctrine of God: The Arian Controversy, 318-381 (Grand Rapids, MI: Baker Academic) p.xix.
  11. Revised Catechism of the Orthodox Faith, Question 095

From Wikipedia, the free encyclopedia · View on Wikipedia

Developed by Tubidy